Pina-iimbestigahan na ngon ng Malacanang ang pekeng memo na nagsasabi na kakaltasan ng dalawang araw ng kanilang sahod ang mga empleyado ng gobyerno kasama dito ang mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para makalikom ng pondo para sa gagawing relief operations ng gobyerno na ibibigay sa bansang Turkiye na lubhang naapektuhan dahil sa malakas na lindol na tumama sa nasabing bansa.
Sa isang pahayag sinabi ni Presidential Communications Office Secretary Cheloy Garafil na nakikipag-ugnayan na ngayon ang office of the Executive Secretary sa mga otoridad kaugnay sa pekeng memo upang mabatid kung saan galing at sino ang pinagmulan nito.
Pagtiyak ni Secretary Garafil na mananagot ang mga nasa likod nito.
Sa kumalat na pekeng memo pirmado ito ni Executive Secretary Lucas Bersamin.
Samantala, patuloy ang rescue operations ng Philippine Inter-Agency Contingent sa mga apektado ng 7.8 na lindol sa Turkey.
Ayon sa pinakahuling datos, umabot na sa mahigit 250 na pasyente ang natulungan ng Department of Health (DOH) mula February 11 hanggang February 15,2023.
Namigay din ang Office of Civil Defense (OCD) ng relief items tulad ng kumot, bonnet, at gloves bilang panlaban sa lamig na nararanasan din sa lugar.
Bukod sa DOH at OCD, binubuo rin ng 82-katao ng Philippine rescue team ng mga kinatawan mula sa Philippine Air Force, Philippine Army, Metro Manila Development Authority, at Subic Bay Metropolitan Authority.