ROXAS CITY – Kalaboso ang isang ginang na nagpakilalang doktor matapos mahuli sa isinagawang entrapment operation ng mga otoridad sa isang pribadong ospital sa Barangay Lawaan nitong lungsod.
Kinilala ang arestado na si Leony Montero, nasa hustong gulang at nagpakilalang residente ng Barangay 9 nito ring lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay City Councilor Moreno Gonzaga, sinabi nito na dumulog sa mga otoridad ang pamilya ng isang 17-anyos na dalagita na residente ng Barangay Cagay nitong lungsod matapos namaga ang mga binti ng biktima nang uminom ng gamot para sa hypertension na niresita umano ni Montero.
Nabatid na walang hypertension ang biktima at sa halip ay magpapagamot sana dahil sa sakit sa bato.
Dahil dito, nagsagawa ng entrapment operation ang mga kasapi ng Roxas City Police Station at natunton si Montero sa isang pribadong ospital kung saan nagpapakunsulta rin umano ang suspek dahil sa iniindang karamdaman.