Tinatayang sa kalagitnaan umano ng buwan ng Setyembre ay saka magpi-peak ang ang dami ng COVID-19 cases sa Pilipinas.
Ito ang paniniwala ng University of the Philippines (UP) expert na si Dr. Ted Herbosa, na siya ring special adviser to the National Task Force Against COVID-19.
Ginawa ni Dr. Herbosa ang pananaw matapos na umabot sa bagong all-time high na mahigit sa 22,000 ang bagong nadagdag na COVID cases sa Pilipinas.
Ayon sa kanya, lalong lolobo ang daily tally ng mga tinatamaan ng virus sa bansa sa kabila na inilagay ang Metro Manila sa mas mahigpit na restrictions at iba pang lugar sa bansa.
Paliwanag pa nito, wala namang problema sa COVID response ng gobyerno pero sadyang napakabilis umano kumalat o transmissible ang Delta variant kung saan ang reproduction number nito ay umaabot sa walo hanggang siyam ang nahahawa.
Aniya, batay pa sa projections ng UP COVID-19 Pandemic Response Team, nagpapakita na ang bagong COVID cases ay posibleng umabot pa sa mahigit 33,000 sa September 15 at pagsapit naman ng katapusan ng buwan ng Setyembre ay posibleng nasa pagitan na ng 24,000 hanggang mahigit 36,000 ang mga bagong mahahawa ng deadly virus.
Sa kabila nito, maaari pa rin namang mapababa ang dami ng dinadapuan ng virus sa pamamagitan ng laging pagsunod na magsuot ng face mask, manatili lagi sa mga bahay at magpabakuna.
Habang mga LGUs naman ay gawin ang puspusang pag-test, pag-contact trace at epektibong gamutan.