-- Advertisements --

Tiniyak ng Bureau of Corrections (BOC) na kanilang papanagutin ang mga persons deprived of liberty (PDLs) na mapapatunayang nasa likod nang pagkamatay ng isang inmate noong Hunyo 1 sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.

Ayon kay BuCor Deputy Director General Gabriel P. Chaclag, tukoy na nila ang mga PDLs na sangkot sa insidente at sila ay mabibigyan ng due punishment dipende sa kalalabasan ng imbestigasyon.

Nilinaw naman ni Chaclag na walang nangyaring riot nang mangyari ang insidente na nauwi sa pagkamatay ng isang inmate.

Sinabi niya na ang insidente ay nangyari nang nagsasagawa ng search operations ang kanilang tauhan sa maximum at medium security compounds ng NBP.

Ang nangyari aniya ay nag-away ang dalawang PDLs at nagkaroon ng kampihan sa magkaibang grupo.

Isa ang namatay sa insidente matapos na masaksak ito, habang mayroon namang tatlong PDLs na sugatan na kaagad ding isinugod sa ospital na kalaunan ay nakalabas din.

Bukod sa mga ito, mayroon ding ilang inmates na nagtamo nang gasgas at bukol pero hindi na dinala pa sa ospital.