-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Justice (DoJ) na hindi nila pababayaan ang mga persons deprived of liberty (PDL) sa pagbabakuna laban sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Pero sinabi ni Justice Sec. Menardo Guevarra na sa ngayon ay hindi na mabibigyan ng bakuna ang hanay ng mga PDL sa mga dumating ng bakuna na Sinovac.

Sinabi ng kalihim na hindi pa kasali ang mga PDL sa tinatawag na specific classification ng mga taong magiging prayoridad para sa nasabing bakuna.

Ngunit kung pag-uusapan naman aniya ang mga senior citizens bilang priority group, magiging malawak daw ito at makakasama din lahat ng mga nakatatandang indibidwal kahit ito pa ay nasa bilangguan.

Habang hinihantay naman ang mas maraming bakuna sa iba pang populasyon ng bansa, kinakailangan munang sundin ng mga ito ang minimum health protocols para maiwasan ang pagkalat pa ng sakit.

Ang pahayag ni Sec. Guevarra ay bilang tugon sa panawagan ng mga miyembro ng  Kapatid Families and  Supporters Of Prisoners na maisama na rin ang mahigit sa 200,000 mga preso, kasama na ang mga political prisoners sa mass vaccination ng gobyerno.