-- Advertisements --

Lumagda ng memorandum of agreement (MOA) ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kasama ang courier service na J&T Express para bigyan ng pansin ang pagbebenta at transportasyon ng mga iligal na droga sa pamamagitan ng mail at parcel system.

Ayon sa PDEA, naging laganap sa bansa ang pagbebenta ng droga sa pamamagitan ng serbisyo ng mga courier companies.

Noong Agosto, nasabat ng mga otoridad ang 12 kilograms ng shabu na nagkakahalaga ng P81.6 million sa regional headquarter ng isang courier sevice na nakatakda na sanang ipadala.

Nakakita rin ang mga ito ng shabu sa loob ng sanitary napkins at mga laruan sa hiwalay na courier service.

Saad ng ahensya, umamin ang ilan sa mga suspek na ginagamit nila ang delivery application para magbenta ng iligal na droga.

Sinabi ni PDEA director general Wilkins Villanueva na hindi kayang solusyunan ng PDEA ang problema ng bansa sa droga kung wala silang tulong na matatanggap mula sa iba’t ibang stakeholders tulad ng J&T Express.

Ang mga hakbang at mekanismo aniya ng ahensya para harangin ang delivery ng mga droga ay magiging posible lamang kung may kooperasyon mula sa mga entities.

Labis din ang pasasalamat nito sa mga courier service providers na sumisigurong hindi nagagamit sa anumang katiwalian ang mga produkto na ipinapadala sa kanila.

Pormal na nilagdaan ang naturang kasunduan nina PDEA Dir. Gen, Wilkins Villanueva, at Atty. Christoffer Liquigan, ang Corporate General Counsel ng J&T Express Philippines.