Kinukonsidera ng ad hoc committee on military and uniformed personnel pension system na isama sa kahulugan ng uniformed personnel ang mga agents ng Philippine Drug Enforcement Agency.
Sa pulong ng komite kaninag umaga, tinalakay ang panukalang batas na inihain ni Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon hinggil sa pagbibigay kahulugan sa katagang “uniformed personnel.”
Layon ng House Bill 704 ni Biazon na bigyan ng depenisyon ang katagang “uniformed personnel” para mapunan aniya ang policy gap dito.
Sa ilalim ng panukala ni Biazon, ikinukonsidera bilang uniformed personnel ang mga empleyado ng pamahalaan na nakasuot ng uniporme, may ranggo, armed o unarmed, at sangkot sa enforcement ng batas, na nahaharap sa peligrong masawi o masugatan habang nasa serbisyo.
Dito na natanong ni Masbate Rep. Narciso Bravo sa komite kung maikukonsidera na rin bang uniformed personnel ang mga agents ng PDEA.
Ayon kay Albay Rep. Joey Sarte Salceda, chairman ng ad hoc committee, kasama sa maikukonsidera bilang uniformed personnel ang mga PDEA agents, pati rin ang mga tauhan ng Bureau of Customs, ng Bureau of Immigration at kahit ang law enforcement arm ng Food and Drug Administration.