Aabot sa P8.32 billion ang kabuuang halaga na inilabas na pera ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) noong nakaraang taon para makatulong sa COVID-19 response ng pamahalaan.
Ito ay kahit pa aminado ang PCSO na malaki ang ibinagsak ng kanilang gross receipts noong nakaraang taon matapos na magsara sa loob ng anim na buwan ang gaming activities dahil sa lockdowns na ipinatupad ng pamahalaan bunsod ng pandemya.
Sa pagdinig ng House Committee on Ways and Means, sinabi ni Atty. Gay Alvor na sa kabila ng epekto ng pandemya ay tuloy-tuloy ang pagtulong ng PCSO sa mga nangangailangan ng tulong sa mga bayarin sa ospital, dialysis, at pagbili ng gamot.
Ayon kay Alvor, 788,995 indibidwal ang natulungan ng PCSO sa kanilang charity programs sa kabila ng pandemya.
Aabot naman sa 516,099 pamilya na apektado ng mga bagyo noong nakaraan taon napahatiran din ng tulong ng PCSO.
Bukod sa kanilang direct remittance sa PhilHealth na umabot sa P635 million, naglabas din ang PCSO ng direct remittance sa 126 ospital, na hinugot mula sa SARS-Avian flu fund na P500 million.
Mahigit 50 ospital din sa buong bansa ang natulungan ng ahensya sa pagbili ng mga personal protective equipment at sanitation supplies.
Mahigit 250 ambulansya rin ang naipamahagi ng PCSO sa iba’t ibang local government units at mga ospital, lalo na sa mga third class municipalities.
Dahil anim na buwan na nagsara ang gaming activities ng PCSO, naglabas ang ahensya ng P18 million na financial assistance sa mga Lotto agents.
Sa pagdinig natukoy na ang gross receipts ng PCSO noong nakaraang taon ay pumalo lamang sa P18.631 billion.
Bagsak ito ng mahigit kalahati kung ikukumpara sa P44.028 billion na gross receipts noon namang 2019.










