-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Patuloy ang pag-iikot ng mga Presidential Communication Operation office (PCOO) officials upang maituwid ang misinformation at kumakalat na fake news kaugnay sa kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga.

Sa panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni PCOO assistant secretary at Chief Bran Ramon Cualoping, na dahil sa walang ibang isyung nakikita ang oposisyon na maari nilang ibato kay Pangulong Rodrigo Duterte, kung kaya’t naging political weapon nila ang kampanya ng Pangulo laban sa ilIgal drugs.

Kaugnay nito nilinaw ng opisyal na hindi state policy ang pumatay ng tao at hindi rin umano totoo ang iniulat ng United Nations na nasa 27,000 katao na ang pinatay sa mahigpit na anti-illegal drug operation ng gobyerno.

Nilinaw ng opisyal na may naitalang 5,526 katao na ang napatay matapos magtangka umanong lumaban sa legitimate police at NBI anti-illegal drug operations.

Dagdag pa ni Cualoping, nakatutok ang Pangulo sa problema ng iligal na druga ng bansa dahil ito ang nakita niyang malaking perwisyo sa bansa.

Mawawalan umano ng silbi ang mga ipinatupad na proyekto at programa ng bansa kung mananatiling lubog sa droga ang mamamayang Filipino.

Ginawa umanong ehemplo ng Pangulo ang Mexico na nananatiling mahihirap ang mga tao habang puno naman ang bansa sa mga illegal drug cartels.