Inamin ni PNP Headquarters Support Service director, PCol. Mark Pespes na nakakaramdam din siya ng takot para sa kaniyang pansariling kaligtasan habang tinutupad ang kaniyang tungkulin bilang isang pulis.
Ipinahayag niya ito matapos niyang mapatay si Feliciano Sulayao Jr., isang bilanggo na miyembro ng teroristang grupo na Abu Sayyaf na nanghostage kay dating senador Leila de Lima dahil sa kagustuhang makatakas sa PNP Custodial Center noong Linggo.
Sa isang press briefing ay sinabi ni PCol. Pespes na sa larangan ng kaniyang trabaho ay tanging tapang lamang ang kaniyang puhunan dahilan kung bakit patuloy niya pa rin itong ginagampanan kahit na matagal na siyang nakakaramdam ng takot para sa kaniyang buhay.
“Matagal na kong natakot.. siguro part ng trabaho namin to. Iyon [tapang] siguro ang puhunan ko rito na trabaho lang.. kung matatakot ba tayo paano tayo magtatrabaho.” saad niya
Kung maaalala, una nang ginawaran ng parangal sa Camp Crame si Col. Pespes dahil sa kaniyang pagsagip kay dating Senador Leila De Lima.
Ito ay bilang pagkilala sa kaniyang kabayanihan at dedikasyon sa trabaho matapos niyang matapang na gampanan ang kaniyang tungkulin noong nagtakang tumakas ang tatlong person under police custody (PUPCs) na abu sayyaf members na agad namang na-neutralize ng pulisya.