Itinanggi ng mga opisyal ng Presidential Communications Office (PCO) ang alegasyon na gagamitin ang Bagong Pilipinas kick-off rally na gaganapin bukas para sa isinusulong na Charter change o pag-amyenda sa Saligang Batas sa pamamagitan ng people’s initiative.
Ayon kay PCO Undersecretary Gerard Baria, ito ay aktibidad ng Executive department para sa pagsisimula ng Bagong Pilipinas at paraan aniya ito ng Pangulo na ipakita ang commitment nitong gampanan ang kaniyang mga tungkulin at wala ng iba pang dahilan.
Paliwanag pa ng opisyal na ang usapin sa charter change ay nasa hurisdiksoyon ng Kongreso at hindi parte ng mga responsibilidad ng Pangulo.
Ang magiging sentro aniya ng aktibidad bukas ay para sa Bagong Pilipinas para maipaabot ang commitments ng gobyerno na i-level up pa ang mga serbisyo nito.
Sa parte naman ni PCO Director Cris Villonco, sinabi nito na bilang bahagi ng event at isa sa nangangasiwa dito, tiniyak niyang hindi ito magiging kasangkapan ng Cha-cha.
Ginawa ng mga opisyal ng PCO ang paglilinaw kasunod ng claim ni Bayan Muna chairman Neri Colmenares na ang naturang rally ay isang pagkukunwari aniya para sa isinusulong na Cha-cha at sinabing pagwawaldas sa kaban ng bayan.