-- Advertisements --
image 144

Ibinunyag ng Philippine Coast Guard (PCG) na plano nitong bumili ng high-end drones para sa mas mahusay na mga operasyon nito.

Ayon kay Rear Admiral Balilo, planong kumuha ng mga drone na kayang makapagmonitor sa mga lugar na may layong 50 nautical miles.

Saad pa ng opisyal na ilang mga bansa na ang nagpakita ng protoypes ng drone.

Subalit tumanggi muna ang opisyal na pangalanan ang dalawang bansa na umano’y nag-alok ng drones.

Aniya, ang ilan sa mga drone models ay kasalukuyan ng sinusuri sa kanilang himpilan.

Pinag-aaralan na rin aniya ng kanilang Coast Guard personnel mula sa Coast Guard Aviation force ang pagpapalipad ng naturang drones.

Inihayag din ng PCG official na planong bumili ng nasabing drones sa lalong madaling panahon.

Umaasa ang PCG na makakabili ng nasa 15 drones kung saan tig-isa ang ilalaan para sa kanilang districts offices na nakadepende pa rin aniya sa pamahalaan.

Maliban sa drone, plano din ng PCG na bumili ng remotely operated vehicle (ROV) para makatulong sa kanilang mga operasyon.

Ang National Disaster Risk Reduction and Management Council ang magiging sponsor para sa pondo sa planong pagbili ng mga equipment.