-- Advertisements --

Kinumpirma ng National Bureau of Investigation na nag-isyu ng commitment order ang isang korte sa Maynila para ipag-utos sa kanila na ilipat si dating Congressman Arnolfo Teves Jr. sa kulungan ng Manila City Jail. 

Ito mismo ang inihayag ng kasalukuyang direktor ng kawanihan na si Retired Judge Jaime B. Santiago sa isinagawang pulong balitaan ngayong araw. 

Kung saan sa kasalukuyan kasi ay hawak o nasa kustodiya ng National Bureau of Investigation si dating congressman Arnie Teves Jr. matapos ang isinagawang deportation mula bansang Timor-Leste. 

“Ngayon, one court in Manila have already issued a commitment order. Directing us to commit the person of Congressman Teves to the Manila City Jail,” ani National Bureau of Investigation Chief Jaime B. Santiago.

Ngunit aniya’y iba’t ibang korte ng Maynila ang may hawak ng mga kinakaharap na kaso ng dating kongresista kaya’t ipina-hold niya muna ang naturang kautusan.

Dagdag pa ni National Bureau of Investigation Chief Santiago na kanila ring hinihintay kung ano ang magiging pinal na desisyon sa isinumiteng mosyon ng kampo ni Teves na consolidation ng mga kaso. 

Dito aniya malalaman at matutukoy kung saan dapat mailipat ang dating kongresista na ngayo’y nasa kanilang pangangalaga o kustodiya. 

Kaya’t kanyang iniutos muna sa warden ng naturang detention facility na huwag muna agarang ilipat ang dating kongresista at hintayin pa muna ang magiging pinal na resolusyon.

Samantala, kasabay ng kanyang mga kumpirmasyon, inanunsyo rin ni Retired Judge Jaime B. Santiago na nakatakdang isalang na sa arraignment ang dating kongresista.

Ito aniya’y magaganap sa Manila Regional Trial Court Branch 12, bukas ng bandang alas-otso ng umaga.