Pinaigting pa ng Philippine Coast Guard (PCG) ang kanilang presensiya sa West Philippine Sea (WPS) para maasistihan ang mga Filipino vessels na maari pang dumami sa mga susunod na linggo.
Ayon kay PCG Commandant Admiral Artemio Abu na nakapag-deploy na ng Coast Guard ang BRP Teresa Magbanua (MRRV-9701), isa sa pinakamalaking maritime assets ng bansa patungo sa Kalayaan island group simula pa noong Pebrero 2.
Habang papalapit ang summer season, inaasahan ng PCG na lalo pang tataas ang bilang ng Filipino fishing vessels ang lalayag at mangisda sa West Philippine Sea.
Dagdag pa ng opisyal na kasabay ng pagpapalakas at pagpapaigting ng kanilang Maritime Patrol, Search and Rescue at Law Enforcement operations sa West Philippine Sea, nananatiling committed ang PCG sa pagprotekta sa interest at karapatan ng Pilipinas salig sa international law at conventions.
Nakahanda rin sila na tupdin ang kanilang mandato na pagpapatrolya sa WPS sa kabila ng panganib.
Ginawa ng PCG official ang pahayag kasunod ng insidente noong Pebrero 6 kung saan tinutukan ng Chinese Coast Guard ang PCG ng green laser na nagdulot ng pansamantalang pagkabulag ng kanilang crew.