-- Advertisements --

Magandang balita para sa mga Commissioned officers, enlisted personnel at civilian employees ng Philippine Coast Guard (PCG) dahil mae-enjoy na ng mga ito ang libreng sakay sa Light Rail Transit Line 2 (LRT-2).

Sa isang Facebook post sinabi ng PCG na ang libreng sakay ay bahagi ng memorandum of agreement (MOA) na pinirnahan ng mga opisyal at executives ng PCG at LRTA .

Sa ilalim ng naturang kasunduan, susuportahan ng PCG ang security measures ng LRT-2 stations sa pamamagitan ng pag-alalay ng Coast Guard sa mga emergency drills para sa mga train employees, security personnel at commuters.

Sinabi naman ng PCG na magpoposte sila ng kanilang mga K9 dogs at handlers para maalalayan ang mga security guards sa pagpapatrolya at pagsasagawa ng security measures sa LRT-2 stations kapag mayroong emergencies o crises.

Para naman daw mapigilan ang pagkalat ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa LRT-2, magde-deploy din ang PCG ng medical service personnel para magsagawa ng reverse transcription-polymerase chain reaction (RT-PCR) tests sa mga LRTA workers.
Posible rin umanong i-avail ng PCG ang in-train passenger information system para mabigyan ng impormasyon ang mga commuters sa kanilang mga plano, programa at mga proyekto ng organisasyon.

Samantala, hindi lamang ang pagbibigay ng libreng sakay ang ibibigay na serbisyo ng LRTA dahil manunumpa rin ang mga opisyal nito bilang miyembro ng PCG Auxiliary (PCGA) Executive Squadron at committed ang mga itong suportahan ang PCG sa humanitarian at disaster response operations.

Magtatagal daw ang MOA sa loob ng tatlong taon maliban na lamang kung ito ay ma-revoke ayon kay PCG spokesperson Commodore Armando Balilo.