
Isinailalim ng Philippine Coast Guard sa ‘heightened alert’ status ang lahat ng mga distrito, stations, at sub-station nito sa buong Pilipinas mula Agosto 22, 2023 hanggang Setyembre 1, 2023.
Ito ay bahagi ng paghahanda ng naturang hanay sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero sa mga pantalan sa bansa ngayong nalalapit na ang muling pagbubukas ng klase para sa school year 2023-2024.
Mula noong alas-6:00 ng umaga hanggang alas-12:00 ng tanghali kasi ng Agosto 22, 2023 ay nadadagdagan na ang bilang ng mga naitatalang pasahero ng PCG sa mga pantalan kung saan umabot na sa 29,845 na mga outbound passengers, habang nasa 25,181 naman na nga inbound passengers ang kanilang nairekord sa lahat ng mga pantalan.
Kaugnay nito ay ipinairal din ng coast guard ang oplan biyaheng ayos: balik eskwela 2023 kung saan nasa 2,224 na mga frontline personnel ang itinalaga sa 15 PCG districts para magbantay sa 304 na mga barko at 437 na mga motorbanca.
Samantala, kasabay nito ay patuloy naman ang panawagan ng PCG sa mga pasahero na maaring makipag-ugnayan lamang sa kanilang tanggapan para sa mga concerns at clarification hinggil sa ipinatutupad na sea travel protocols and regulations.










