Magdedeploy ang PCG ng helicopter na tutulong sa search and resuce operation sa 4 na nawawalang rescuer sa Cagayan sakaling gumanda na ang lagay ng panahon.
Natagpuan na kasi ang aluminum boat na ginamit ng apat na nawawalang rescuer mula sa Philippine Coast Guard (PCG) sa Aparri, Cagayan sa paligid ng Calayan Island.
Sa isang update, sinabi ng PCG na iniulat ng Coast Guard District North Eastern Luzon na natagpuan ng M/V Eagle Ferry ang bangka na lumulutang pitong milya mula sa Calayan Island.
Nagpapatuloy pa rin ang aerial at surface search and rescue (SAR) operations para sa apat na PCG rescuers na nawala noong Hulyo 26 sa pananalasa ng Bagyong Egay.
Kung matatandaan, sinabi ng tagapagsalita ng PCG na si Rear Admiral Armand Balilo, naiulat na tumaob ang aluminum boat habang tinatangka ng mga rescuer na iligtas ang mga tripulante ng tugboat M/Tug Iroquis sa Cagayan River,
Sinabi ni Balilo na dalawang team ang naka-deploy para sa rescue, ngunit isang team lamang ang nakabalik.
Aniya, huli silang nakitang nakahawak sa nasabing aluminum boat.
Sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang search and rescue operation bagama’t hindi pa umano nakakapag-deploy ang PCG ng helicopter dahil sa masamang lagay panahon.