-- Advertisements --

Dalawang sasakyang pandagat ang iniimbestigahan ng Philippine Coast Guard para matukoy ang sanhi ng oil spill sa San Ricardo, Southern Leyte noong nakaraang linggo.

Ibinunyag ni Coast Guard Southern Leyte Station commander Lt. Commander Donna Liza Duran na kumuha sila ng mga sample mula sa langis na tumapon sa dagat upang itugma ang mga ito sa dalawang barko.

Sinabi ni Duran na kumalat ang oil spill sa layong 500 meters mula sa baybayin ng Barangay Benit na iniulat ng mga residente sa lugar sa Coast Guard station sa Port of San Ricardo noong Biyernes, Hulyo 7.

Ang Marine Environmental Protection Group ng Southern Leyte Coast Guard station, kasama ang mga barangay officials at residente, ay agad na nagsagawa ng manual scooping at shoreline cleanup ng oily water mixture.

Dagdag pa ni Duran, isang barko ng Coast Guard ang dumating sa San Ricardo na naglagay ng booms upang maiwasan ang pagkalat ng oil spill.

Gumamit ang Coast Guard ng 100 absorbent pads habang nagpapatuloy ang kanilang cleanup operation sa dalampasigan sa Barangay Benit.

Una nang umapela si Duran sa mga residente na huwag munang mangisda para sa kanilang kaligtasan.