Inihayag ng Philippine Coast Guard na naobserbahan ang ilang pagbabago sa behavior ng China sa ilang bahagi ng West Philippine Sea.
Ayon kay PCG spokesperson Commodore Jay Tarriela, nakatulong ang pagsisiwalat sa incursions o panghihimasok ng China sa mga katubigan ng Pilipinas sa nakitang pagbabago sa behavior ng Chinese Coast Guard.
Dati ayon sa PCG official agresibo ang mga ito pagdating sa West Philippine Sea.
Subalit inamin din ng PCG na partikular na agresibo ang Chinese Coast Guard sa may Ayungin shoal na tinatawag ng China na “Ren’ai Reef.”
Ayon kay Tarriela, iba ang nangyayari sa ayungin shoal mula sa kabuuang operasyon ng Chinese Coast Guard at sa deployment ng Philippines Coast Guard vessels sa may West Philippine Sea.
Ang Ayungin shoal ay ang pinagtatalunang lugar na kontrolado ng militar ng Pilipinas subalit inaangkin ng China bilang bahagi ng teritoryo nito.
Kung matatandaan, napaulat kamakailan ang panibago nanamang insidente sa pagitan ng Pilipinas at China sa may Ayungin shoal kung saan hinarass umano ng mga barko ng China ang Philippine vessels sa kasagsagan ng resupply mission.
Nangyari ito noong Hunyo 30 nang iniskortan ng PCG ang naval operation ng Armed Forces of the Philippines.