-- Advertisements --

ILOILO CITY – Isinusulong ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pag-upgrade ng mga bangka na sinasakyan ng mga pasahero mula Iloilo-Guimaras vice versa.

Ito ay kasunod ng nangyaring pagtaob ng tatlong bangka sa Iloilo Strait kung saan 31 ang namatay.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Commodore Allan Victor Dela Vega, commander ng PCG-Western Visayas, sinabi nito na panahon na upang palitan ang mga pump boat na dumadaan sa Iloilo Strait.

Ayon kay Dela Vega, maliliit ang sasakyang-pandagat na dumadaan sa Iloilo Strait at hindi malayong maulit ang trahedya kapag pinahintulutan na pumalaot ang mga pump boat.

Ani Dela Vega, hindi naaangkop ang pump boat na pumapalaot sa Iloilo Strait dahil kapag may subasko na naman o ‘yaong biglang pagsama ng lagay ng panahon, tiyak na tataob ang mga bangka.

Nanawagan din si Dela Vega sa mga pasahero na ugaliin ang pagsuot ng life jacket sa tuwing sumasakay ng pump boat.

Nilinaw naman nito na ang kapakanan lang ng mga pasahero ang kanilang iniintindi upang hindi na uli mangyari ang trahedya.

Samantala, may isa na namang fishing vessel ang tumaob sa Lawi, Jordan Guimaras.

Ito’y matapos na hinampas ng subasko ang kanilang sasakyang-pandagat habang nangingisda.

Ngunit sa kabutihang palad, nakaligtas ang mag-amang mangingisda na sakay ng nasabing bangka.

Napag-alaman na pinapayo ng PCG na kapag may gale warning na inilabas ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), nararapat na iwasan ang pagpapalaot ng mga maliliit na sasakyang-pandagat.