Magsasagawa ang Philippine Coast Guard (PCG) ng imbestigasyon sa isang personnel na sangkot sa viral reckless driving video na nakuhanan sa South Luzon Expressway (SLEX).
Sa isang statement, tinukoy ng PCG ang naturang personnel na si Coast Guard Ensign Alain Anthony Agpalo.
Tiniyak naman ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan na makikipagtulungan sila sa imbestigasyon ng LTO at magsasagawa din ng parallel investigation at ipapataw na sanction kay CG Ensign Agpalo base sa nakalap ebidensiya.
Dagdag pa ng opisyal na hindi nila kukunsintihin ang kanilang opisyal o personnel na lumalabag sa umiiral na batas at regulasyon na ipinapatupad ng iba mga ahensiya.
Una rito, noong Enero 4, nakatanggap ang PCG ng isang sulat mula sa LTO na tumutukoy kay Agpalo na motorcycle rider na umano’y pumasok sa SLEX at tumangging huminto nang i-flagged down ito ng mga enforcer.
Inatasan naman si Agpalo na humarap sa LTO ngayong Lunes at pinagsusumite ng kaniyang written explanation para depensahan ang kaniyang sarili kung bakit hindi dapat siya patawan ng kasong administratibo sa pag balewala nito sa traffic signs at reckless driving at para hindi ma-revoke ang kaniyang lisensiya sa pagmamaneho.