-- Advertisements --

KALIBO, Aklan-Naka alerto na ang Philippine Coast Guard (PCG) sa posibilidad na pagdagsa ng mga turista sa isla ng Boracay at coastal areas ng mainland Aklan sa selebrasyon ng kapyestahan ni San Juan de Bautista sa darating na Hunyo 24.

Ayon kay Dominador Salvino, deputy station commander for operations ng PCG-Aklan, nakalatag na ang kanilang deployment plan sa inaasahang pagbuhos ng mga bisita sa isla katulong ang mga kaukulang ahensiya ng pamahalaan upang masiguro ang kaligtasan ng mga ito.

Sa katunayan aniya ay may mga look-out na trained life guard sa beach front upang mabantayan ang mga naliligo lalo na sa malalim na bahagi ng dagat dahil sa nararanasan ngayong amihan.

Sa ngayon ay mayroon silang floating asset na gagamitin sa sea borne patrol sa mga nagsasagawa ng island hopping at iba pang water activities.

May itinakda rin silang deployable response group na maglilibot sa mga baybayin sa kanilang area of responsibility at sa palibot ng Boracay.

Samantala, mahigpit nilang pagatutukan ang implementasyon ng health and safety protocols partikular ang pagsusuot ng face mask at physical distancing.