-- Advertisements --

Tutulong ang Philippine Coast Guard sa Philippine National Police para sa pagpapatupad ng seguridad para sa nalalapit na pagdiriwang ng Kapistahan ng Itim na Nazareno sa darating na Enero 9, 2024.

Ayon kay PCG Commandant, Admiral Ronnie Gil Gavan, kaugnay nito ay magpapakalat ang kanilang hanay ng mga Coast Guard K9 units para magsagawa ng paneling mula Quirino Grandstand, Jones Bridge, at maging sa Quiapo Church.

Bukod dito magdedeploy din ito ng mga crowd control operatives kasabay ng pag-alalay ng mga tauhan ng PCG sa iba pang mga security forces sa pagpapatupad ng seguridad sa mga lugar na nasasakupan ng Pasig River at Manila Bay sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga onboard patrols gamit ang mga floating assets ng Coast Guard.

Habang naka-standby din ang mga medical team ng Coast Guard bilang paghahanda sa posibilidad ng pagsasagawa ng mass evacuation kung kinakailangan sa kasagsagan ng naturang prosisyon.

Kung maaalala, kahapon ay nagsagawa ng security cluster meeting ang iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan sa Palasyo ng Malakanyang bilang bahagi pa rin ng paghahanda ng mga kinauukulan sa malakihang aktibidad na ito na inaasahang dadagsain ng milyung-milyong mga deboto.