Hihilingin ng Philippine Coconut Authority(PCA) ang pagpapataas ng pondo para sa fertilization program nito sa ilalim ng coconut industry.
Ayon kay PCA Admin Dexter Buted, nais nilang maitaas ang pondong nakalaan sa fertilization program mula sa dating 1% at gawin itong 15%.
Ito ay katumbas ng P2.4 billion na pondo.
Kung mangyayari ito, posible aniyang tataas ng 15% ang produksyon ng coconut industry sa loob ng isang taon.
Kasabay nito ay tiniyak din ng opisyal ang tuloy-tuloy na pagtatanim ng mas maraming mga niyog sa ilalim ng programa nitong pagtatanim ng 100 million na puno.
Ayon sa PCA, mula nang ilunsad ang naturang programa ay dalawang milyong puno ng niyog na ang naitanim ng ahensiya, habang nakatakda pang dagdagan ito ng 8.4 milyong mga puno bago matapos ang kasalukuyang taon.
Ayon sa opisyal, tuloy-tuloy ang pagtutok ng ahensiya sa coconut production lalo na at ang naturang commodity ay isa sa mga malalaking export ng Pilipinas.