-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Hinikayat ng ilang Bangsamoro government officials si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr na makiisa sa ibang mga bansa na nanawagan para sa de-escalation ng tensyon sa pagitan ng Israel at grupong Hamas na tinutugis sa loob ng Palestine territory.

Ito ang ginawang panawagan ni Lanao del Sur 1st District Cong.Zia Alonto Adiong sa halip na mag-uudyok pa ng karagdagang galit dahil sa mga hakbang na ipinapatupad ng dalawang panig.

Sa panayam ng Bombo Radyo,sinabi ni Adiong na napapanahon na kumilos rin ang Pilipinas upang madagdagan ang mga bansa na naghahangad na maibalik sa normal ang sitwasyon ng Palestine at Israel.

Dagdag ng mambabatas na obligasyon rin ng bawat isa ma-Kristriyano man o Muslim na huwag pabayaan ang mga hakbang na gagawin ng pamahalaan lalo pa’t mayroong libu-libong Pinoy workers na nakabase sa nagka-alitan na bansa at teritoryo.

Magugunitang una nang sinabi ng ilang Bangsamoro government officials na kapwa hindi katanggap-tanggap ang pang-aatake ng militanteng Hamas at sobrang pagganti naman ng Israeli Defense Forces dahil hayagang naiipit lamang ang mga sibilyan.