Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na patuloy na poprotektahan ng kaniyang administrasyon ang buong teritoryo ng Pilipinas sa kabila ng mga geopolitical tensions na nagaganap ngayon sa West Philippine Sea.
Bahagi ito ng naging pahayag ng punong ehekutibo sa kaniyang naging talumpati sa idinaos na Philippine Military Academy Alumni Homecoming ngayon sa Fort del Pilar, Baguio City.
Pagtitiyak ng pangulo, patuloy aniya na itataguyod ng pamahalaan ang territorial integrity at soberanya ng Pilipinas alinsunod sa konstitusyon at international laws.
Kaugnay nito ay sinabi rin ng punong ehekutibo na makikipagtulungan ang Pilipinas sa mga karatig bansa nito upang matiyak naman ang kaligtasan at seguridad ng ating mga kababayan.
Samantala, bukod dito ay nagpaabot naman ng pagbati si President Marcos Jr. sa lahat ng mga awardees ng Philippine Military Academy para sa taong ito dahil sa huwarang pagganap ng mga ito sa kani-kanilang mga tungkulin.
Bagay na dapat aniyang tularan ng kabataang kadete na hihimok sa kanila na maging leaders of character na mananatiling tapat sa kanilang mga mithiin at may pagpapahalaga sa kanilang mga integridad, serbisyo, professionalism na matatamo ng mga ito mula sa Philippine Military Academy.