-- Advertisements --

Marami pa ang dapat gawin. Ito ang pahayag ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr, kasunod ng isang taong anibersaryo ng kaniyang panunungkulan ngayong araw June 30,2023.

Ayon sa Pangulo hindi niya nakakalimutan ang mga binitawang pangako nuong kasagsagan ng kampanya.

Gayunpaman sinabi ng Pangulo ramdam na rin ang ilang pagbabago na magiging bahagi sa bagong burukrasya at mga hakbang para mapaangat ang antas ng pamumuhay ng sambayanang Pilipino.

Aniya, dapat mag adjust din ang bansa dahil nag iiba ang internasyunal na sitwasyon partikular sa kalakalan at geopolitics.

Aminado din ang Pangulo na kailangan pa rin pagtuunan ng pansin ang sektor ng agrikultura.

Sumasang- ayon din ang chief executive sa ‘incomplete’ na grado na ibinigay sa kaniya ng isang ekonomista sa pamamahala nito sa Department of Agriculture.

Sabi ng Pangulong Marcos, mahalaga na pakatutukan ang agricultural sector dahil ito ang isa sa pinaka mahalagang parte sa ekonomiya ng bansa.

Aminado din ang Pangulo na malaking hamon o problema na kahaharapin ng bansa ay ang inflation.

Kaya ang ginagawa ngayon ng pamahalaan taasan ang minimum wage ng mga mangagawa para maibsan kahit papaano ang hirap.

Sa kabilang dako, kinilala ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang mga nagawa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa unang taon nito sa puwesto.

Ayon kay Speaker maganda ang performance ng Pangulo sa unang taon nito sa puwesto at ang pinakamalaking nagawa ng administrasyong Marcos sa unang taon nito ay ang pagtulong sa mga ordinaryong Pilipino, pagpapanatili ng pag-unlad ng ekonomiya, paghikayat sa mga mamumuhunan na magnegosyo sa bansa at magandang pakikitungo sa ibang bansa.

Ipinagmalaki din ni Speaker ang accomplishment ng 19th Congress lalo na ang pagpasa sa mga priority measures ng Marcos administration.

Gayunpaman sinabi ng Pangulo, marami pa ang gagawin para mapabuti ang sitwasyon ng bansa.