Pinangunahan ni Pang. Ferdinand Marcos Jr., ang change of command ceremony ng Presidential Security Group (PSG) ngayong araw kung saan pormal ng itinalaga bilang bagong PSG Commander si BGen. Nelson Morales kapalit ni BGen. Ramon Zagala.
Pinarangalan ng Pangulo si Zagala ng Distinguished Service Star para sa kaniyang valuable at exceptional service sa panahon ng kaniyang pamamahala bilang commander ng Presidential Security Group (PSG).
Pinasalamatan din ng Pangulong Marcos si Zagala sa mga nagawa nito lalo na sa pagbibigay seguridad sa nasa 500 domestic at international presidential events na naging matagumpay.
Pinuri ng Pangulo ang pag bili ng PSG ng mga makabago at modernong mga kagamitan na gagamitin sa pagbibigay seguridad sa Pangulo at sa first Family.
Hiling naman ng Pangulo sa PSG na suportahan ang bagong commander gaya ng suporta na ibinigay nila kay Zagala.
Hindi naman sinabi ng Malakanyang ang dahilan kung bakit nagtalaga ng bagong PSG commander ang Pangulong Marcos.
Si Morales ay miyembro ng Philippine Military Academy Class of 1993.
Siya ay isang batikang combat pilot ng PAF na idineploy sa ibat ibang bahagi ng Luzon, Visayas at Mindanao.
Sa kasagsagan ng giyera nuon sa Mindanao si Morales ang nanguna sa flight of huey helicopters sa mga lugar sa Zamboanga, Cotabato, Lanao del Norte at Marawi para labanan ang rebeldeng MILF at teroristang Abu Sayyaf.
Naging miyembro din siya sa 250th Presidential Airlift Wing bilang helicopter pilot ni dating Pangulo Joseph Estrada at Gloria Macapagal Arroyo.
Si Morales ay isang bemedaled Air Force Officer na may ibat ibang awards.
Sa kabilang dako, si Zagala ay itinalaga bilang bagong Commander ng Civil Relations Service ng Armed Forces of the Philippines.