-- Advertisements --

Ipinanawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang paglaban sa fake news, maling impormasyon at walang hangganang kasinungalingan dahil ito ang totoong salot sa ating kalayaan.

Ang pahayag ng Pangulo ay kasunod ng pagdiriwang ng ika-127th Independence day ngayong araw kung saan ang kalayaan na tinatamasa ngayon ng mga Pilipino ay bunsod ng mga sakripisyo ng mga bayani.

Dahil dito, ayon kay Pangulong Marcos Jr., nararapat lamang na patuloy na ipaglaban ang kalayaang ito, kahit sa gitna ng mga hamong hinaharap ng Pilipinas sa kasalukuyang panahon.

Sinabi ng pangulo na sa ilalim ng Bagong Pilipinas, malaya at hindi na maituturing na kasalanan ang pagpapahayag ng saloobin at kritisismo.

Katunayan, ito pa ang bumubuhay at nagbibigay kinang sa demokrasya ng bansa.

Ang problema lamang ayon sa pangulo, kakambal ng kalayaan sa pamamahayag, ang pagkalat ng fake news at maling impormasyon.

Kung titignan aniya ang nangyayari sa buong mundo, ang paglaganap ng maling impormasyon ay nakakaapekto sa pamumuhay ng isang indibidwal, sa kultura, at values na pinanghahawakan ng bansa.

Binigyang-diin ng pangulo na nakakalungkot aniya na mayroong mga Pilipino na ipinipilit ang maling paniniwala para sa interes ng iba, at hindi para sa kapakanan ng mga Pilipino.

Dahil dito, pinayuhan ng pangulo ang publiko na maging mapanuri, alamin ang totoo, at labanan ang kasinungalingan.

Tulad aniya ng pag-ibig, ang kalayaan at demokrasya ay dapat na inaalagaan, binabantayan, at ipinaglalaban.