Pinagaaralan na ng Philippine National Police (PNP) sa pangunguna ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang posibilidad ng pagsasampa ng kaso sa ilang nga miyembro ng demonstrador sa ilalim ng grupo ng Kilusang Mayo Uno na siyang nagsagawa ng pagpoprotesta sa harap ng US Embassy.
Ayon kay PNP Spokesperson at Public Information Office Chief PBGen. Randulf Tuaño, bagamat nagkaroon ng bahagyang komosyon sa naging protesta ay agad namang naayos at nagkausap ang panig ng mga rallyista at maging ang pulisya.
Aniya, nakita ang mahigpit na pagpapatupad ng maximum tolerance ng pulisya sa gitna ng naturang sitwasyon.
Sa kabila nito, patuloy na pinagaaralan ang mga posibleng kaso na isasampa sa nga rallyistang nagprograma sa lugar lalo na at lumalabas na wala ring kaukulang permit ang mga demonstrador.
Samantala, posible namang maharap sa mga reklamong may kinalaman sa paglabag sa Batas Pambansa Blg. 880 ang mga madadawit na rallyista.
Muli namang pinaalalahanan ng pulisya ang mga militanteng grupo na ang US Embassy ay hindi isang freedom park at hindi kabilang sa mga lugar na posibleng pagdausan ng mga programa.
















