Hindi nababahala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isinagawang rally ng INC sa EDSA, at iginiit na karapatan ng sinuman ang magsagawa ng mapayapang pagtitipon.
Sa isang panayam bago umalis patungong Canada,ayon sa Pangulo, kampante siya sa naging takbo ng rally dahil sa kasaysayan ng grupong nagsagawa nito, na aniya’y hindi nagdudulot ng kaguluhan sa kanilang mga pagtitipon kahit pa dinadaluhan ng maraming tao.
Sinabi rin ni Marcos na ang pangunahing ikinababahala niya sa mga ganitong pagtitipon ay ang kaligtasan ng publiko at ang pagtiyak na walang masasaktan habang isinasagawa ang rally.
Aminado ang Pangulo na ang pangunahing ikinababahala ng pamahalaan sa isinagawang rally sa EDSA ay ang posibilidad na may mga grupong mag infiltrate o makapasok upang maghasik ng kaguluhan at manggulo sa pagtitipon.
Sinabi ng Punong Ehekutibo nakatanggap ang pamahalaan ng impormasyon hinggil sa posibleng pagpasok ng mga indibidwal na maaaring mag-agitate sa sitwasyon. Dahil dito, prayoridad ng mga awtoridad ang pagpapanatili ng kaayusan at pagtiyak na walang sinuman ang masasaktan, kabilang ang mga dumalo sa rally at iba pang maaaring mapunta sa lugar.
Pinasalamatan din ni PBBM ang lahat ng mga sangkot, kabilang ang mga organizer at mga awtoridad, sa kanilang naging bahagi sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaligtasan ng publiko.
















