Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga ahensiya ng gobyerno na paspasan at tiyakin ang pagkumpleto ng mga proyekto para sa rehabilitasyon ng Marawi city.
Sa ilalim ng Administrative Order No. 14, itinalaga ni Pangulong Marcos ang Department of Health at Department of Social Welfare and Development (DSWD) para tugunan ang kailangan para sa kalusugan, pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga residente sa Marawi.
Habang naatasan naman ang Department of Human Settlements and Urban Development na mag-facilitate sa mga proyektong pabahay sa lungsod at inatasan naman ang Department of Public Works and Highways para sa pagbabalik ng suplay ng tubig at kuryente at muling pagtatayo sa mga nasirang pampublikong imprastruktura.
Ipinag-utos din ni PBBM sa Department of the Interior and Local Government na panatilihin ang kapayapaan at kaayusan sa marawi at ang Department of Trade and industry naman para tulungan ang mga residente na makabangon sa kanilang mga negosyo at kabuhayan.
Inatasan din ng Pangulo ang Task Force Bangon Marawi na tapusin na ang kanilang operasyon sa Disyembre 31 kung saan ang mandato nito ay magpapaso na sa Marso 31 , 2024.
Pinagsusumite din ito ng Consolidated Audited Report of Disbursement at Comprehensive Transition Report sa Pangulo.
Matatandaan na noong taong 2017, nakasagupa ang pwersa ng gobyerno ang mga miyembro ng rebeldeng grupo na Maute sa Marawi city, Lanao del Sur na tumagal ng 5 buwan sa ilalim noon ng administrasyon ni dating Pang. Rodrigo Duterte. Nagresulta ang Marawi siege sa pagkasawi ng miyembro ng magkabilang panig kung saan nadamay ang ilang mga sibilyan at nagdulot din ng pagkadisplace ng mga residente at pagkasira ng mga property.