Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbuwag sa North Luzon Railways Corp. (Northrail) dahil hindi na umano nagagampanan ang purpose nito.
Ito ay sa bisa ng Memorandum Order No. 17 na inisyu noong Oktubre 19, 2023 at nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin na may basbas mula sa Pangulo.
Nakasaad sa naturang memo na napag-alaman ng Governance Commission for Government-owned and -controlled Corporations (GCG) na hindi na nagagawa ng naturang korporasyon ang mga objectives at purpose kung bakit ito itinatag at hindi na cost efficient at hindi nakakapagambag ng social, physical at economic returns.
Una na kasing itinatag ang Northrail Corp para magdevelop, magtayo, magapalakad at mamahala ng railroad system para serbisyuhan ang Metro Manila, Central Luzon at Northern Luzon.
Ang state-owned firm ay binuo rin para ipatupad ang Northrail project na nagkokonekta sa Caloocan city patungong Malolos, Bulacan subalit nabigong matapos dahil sa pagterminate ng kontrata na pinasok ng kompaniya dahil sa iba’t ibang isyu gaya ng pondo.
Upang mabuwag ang Northrail Corp, inatasan ni Pangulong Marcos ang Bases Conversion and Development Authority (BCDA) bilang administrator at liquidator ng abolished state-run firm para ma-settle ang mga liabilities nito kabilang ang pagbabayad ng separation incentive pay para sa mga apektadong opisyal at personnel.