-- Advertisements --
image 588

Inamin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi nito nais na magpatupad ng price cap sa bigas subalit napilitan ito dahil sa smuggling.

Kasabay ng pamamahagi ng Pangulo ng bigas sa mga benepisyaryo sa General Trias, Cavite, sinabi ni PBBM na naalarma ito sa isyu ng hoarding at smuggling na nagbunsod sa pagtaas ng presyo ng mga bigas.

Isinisi din ng Punong ehekutibo ang pagtaas ng presyo ng bigas sa illegal importers, smugglers at hoarders.

Kung kayat inisyu ng Pangulo ang Executive order No. 39 na nagmamandato sa price ceiling na P41 para sa regular milled rice at P45 para sa well-milled rice.

Sa kabila nito, nangako si Pangulong Marcos bilang tumatayong kalihim ng Deparment of Agriculture na hindi nito titigilan ang pagpapaganda ng agri sector, mga ani, cost of production at production levels.

Ngayong araw nga ng Biyernes ay namahagi si PBBM ng mahigit isang libong sako ng 25 kilos na bigas mula sa nasabat ng Bureau of Customs na mga ipinuslit na bigas para sa mga mahihirap na pamilya sa General Trias.