Nilinaw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi niya ikinokonsidera bilang kaaway sa politika si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay kasabay ng pagdepensa ng Pangulo sa 60 araw na suspensiyong ipinataw kay Davao del norte Governor Edwin Jubahib na malapit na kaalyado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ginawa ni Pangulong Marcos ang naturang pahayag kasunod ng pagbatikos ni dating Pangulong Duterte noong Huwebes sa Presidente may kinalaman sa 60-day preventive suspension ng Davao del Norte Gov. at pinalutang ang posibilidad na magkakalaban silang dalawa sa politika.
Paliwanag pa ni Pang. Marcos na nalaman lamang niya ang naturang kaso isang taon na ang nakakalipas na bahagi aniya ng kaniyang daily briefer at ang records aniya ay maaaring ma-access ng sinuman para imbestigahan ang naturang usapin.
Sinabi din ng Pangulo na ang kaso laban kay Jubahib ay above board at masusing inimbestigahan bago ang suspension order ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Dumaan din sa lahat ng checks and balances at sa proper procedures bago ginawa ang naturang desisyon.
Una rito, naglabas ng pahayag ngayong araw si Executive Secretary Lucas Bersamin kung saan nanindigan ito na walang paglabag sa karapatan ng Gobernador para sa due process matapos na patawan ito ng preventive suspension na nilagdaan ni Bersamin may kinalaman sa umano’y misuse of authority, posibleng opresyon at paggamit ng pondo ng gobyerno para sa kapakinabangan ng isang pribadong kompaniya.
Sa parte ni Jubahib, sinabi nito na isang pure political harassment umano ang suspensiyon sa kaniya at nangakong hindi ito magbibitiw sa pwesto.
Sinabi din ng Gobernador na posibleng umani ng galit sa ilang opisyal ang kaniyang pagbubunyag sa ayuda scam na nagdadawit sa ilang kalaban niya sa politika na mayroong access sa Malacañang.