-- Advertisements --

Ginawaran ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng executive clemency ang 22 persons deprived of liberty (PDLs) habang inaprubahan naman ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang paglaya ng 8 pang preso na naisilbi na ang 40 taong pagkakabilanggo.

Sa isang statement, sinabi ng Bureau of Corrections (BuCor) na nasa kabuuang 20 PDLs ang ginawaran ng commutation of service habang 2 iba pa ang nabigyan ng conditional pardon.

Ang executive clemency ay tumutukoy sa reprieve, absolute pardon, conditional pardon mayroon o walang parole conditions at commutation of sentence na iginagawad lamang ng Pangulo.

Ayon kat BuCor Director General Gregorio Catapang Jr. na pinoproseso na ng bureau ang paglaya ng mga preso na sina Alfredo Bongcawel at kaniyang kapatid na si Leopoldo na pinagkalooban ng conditional pardon.

Gayundin ang pinoproseso na ang paglaya ng mga PDL na sina Roberto Gaut at Pablito Alvaran Jr. na naisilbi na ang kanilang maximum na sentensiya.

Ang iba namang PDLs na inisyuhan ng clemency at naisilbi na ang minimum na sentensiya ay sina Evelyn Palarca, Dioscoro Talapian, Venancio Abanes, Avelino Tadina, Fernando San Jose, Quirino De Torres, Bonifacio Besana, Bernabe Cabrales, Anselmo Delas Alas, Arcadio Venzon, Danilo Cabase, Beverly Tibo-Tan, Aurora Ambrocio, Felipe Galarion, Armando Dante, Leopoldo Conlu, Alex Valencerina, at Alfredo Toral.

Samantala ang mga PDLs naman na inaprubahan ni Justice Sec. Remulla na makalaya ay sina Zaldy Francisco, Benedicto Ramos, David Garcia, Bernardo de Guzman, Rodel Garcia, Armando Canillo, Edilberto Platon at Josefina Patanao.

Ayon sa BuCor, base sa records ng 8 PDLs, nasentensiyahan ang mga ito ng 1 bilang ng reclusion perpetua o habambuhay na pagkakakulong.

Subalit sa ilalim ng department order 652, ang pagpapalaya sa mga PDL na sinentensiyahan ng habambuhay na pagkakakulong o itinuturing na high-risk o high profile ay dapat na ipatupad lamang sa pamamagitan ng approval mula sa kalihim ng DOJ.