Ipinangako ni PBBM na lalo pa nitong palalakasin ang ugnayan sa mga bansa kung saan naroroon ang mga Overseas Filipino Workers upang masiguro ang kaligtasan at kapakanan ng mga ito.
Ito ay kasunod na rin ng pagdiriwang ng National Migrant Workers Day.
Sa isang video message, kinilala ng Punong Ehekutibo ang mga ginagawang sakripisyo at mahahalagang ambag ng mga Pilipino na nasa ibang bansa para magtrabaho para sa ikabubuti ng kanilang pamilya at bansa.
Sinabi ng Marcos na naiintindihan nito ang mga suliraning kinakaharap ng mga ito habang malayo sa kanilang mga mahal sa buhay .
Ito aniya ang dahilan kung kayat lalo pang pinagtitibay ng kanyang administrasyon ang ugnayan nito sa mga bansa kung saan naroon ang mga migrant Workers.
Batay sa data ng Philippine Statistic Authority, tinatayang aabot sa 1.83 million Filipino workers ang nasa ibang bansa simula pa noong Abril hanggang September 2021.
Kung maaalala, nilagdaan noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang batas ang isang panukalang lumikha ng Department of Migrant Workers noong 2021 na nangangasiwa sa mga patakarang nagpoprotekta sa mga OFW.