DAVAO CITY – Bigo umanong matalakay ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang pinaka-unang State of the Nation Address ang iilan sa mga importanteng usapin sa bansa. Ito ay ayon sa nakapanayam ng Bombo Radyo Davao na si Prof. Ramon Beleno III, isang political analyst at guro ng Ateneo de Davao University.
Sinabi nito na may mga bagay umano na gustong marining ng sambayanang Pilipino ngunit hindi natalakay sa SONA gaya na lamang ng usaping kurapsyon sa Pilipinas kung saan matatandaang hawak na umano ni PBBM ang listahan ng mga pangalang umano’y sangkot sa smuggling at korupsyon sa Department of Agriculture (DA).
Pangalawa, bigo ding napag-usapan ang tungkol sa sitwasyon ng peace and order ng bansa lalo pa na isang araw bago ang SONA ni Pangulong Marcos ay may nagyaring shooting incident sa Ateneo de Manila University kung saan tatlo ang natalang patay na kinabibilangan ng dating Mayor ng Lamitan, Basilan na si Rose Furigay.
Hindi din umano napag-usapan ang tungkol sa illegal drugs, terorismo at mga agenda tungkol sa Mindanao.
Nilinaw din ni Prof. Beleno na sa kabuoan, 80 hanggang 90% naman na gustong marining ng taong bayan ang nabigyan ng atensyon ng Pangulo kung saan doable naman umano ang mga ito.