-- Advertisements --

Muling hinikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang Philippine Sports Commission na ibalik ang sports programs sa mga paaralan upang mahikayat ang kabataan na magkaroon ng healthy at disciplined lifestyle.

Ginawa ng Pangulo ang pahayag, matapos pangunahan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at First Lady Louise Araneta Marcos ang muling pagbubukas ng PhilSports Complex sa Pasig City kahapon, bilang pagpapakita ng patuloy na suporta ng pamahalaan sa mga atletang Pilipino at sa pagpapalakas ng sports sa kabataan.

Matapos ang ribbon-cutting, ininspeksyon ng Pangulo at First Lady ang mga bagong ayos na pasilidad, kabilang ang National Athletic Center, Dormitory H, at National Sports Museum.

Ang muling pagsasaayos ng PhilSports Complex ay nakumpleto bago ang pagho-host ng Pilipinas sa FIFA Futsal Women’s World Cup mula Nobyembre 21 hanggang Disyembre 7.

Ipinagmalaki ng Pangulo ang rehabilitasyon ng pasilidad at pinasalamatan ang First Lady sa pag- spearhead ng proyekto na sinimulan noong Hulyo.

Ayon kay Pangulong Marcos, mahalaga ang sports hindi lamang para sa karangalan ng bansa kundi para sa paghubog ng disiplina, karakter, at pagkakaisa ng mga Pilipino.

Ang PhilSports Complex ay itinuturing na pangunahing sports center ng bansa na  pinamamahalaan ng Philippine Sports Commission at may apat na pangunahing pasilidad: ang multipurpose arena, swimming center, football at athletics stadium, at athletes’ dormitories na binubuo ng 10 gusali para sa mga pambansang atleta.