-- Advertisements --

Ibinunyag ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste ang panibagong dokumentong umiiral umano na magpapatunay na si Construction Workers Solidarity Partylist Rep. Edwin Gardiola ay “nag-pre-order” o nagpauna ng higit ₱20 bilyong kontrata sa Department of Public Works and Highways (DPWH), bago pa man naisumite sa Kongreso ang 2025 National Expenditure Program (NEP).

Ayon kay Leviste, ang kakayahan umanong ito ni Gardiola na gumawa ng mga “arrangements” sa DPWH ay posibleng dahilan kung bakit itinuturing umano siyang “top DPWH contractor in Congress.”

Ipinakita ni Leviste ang listahan mula sa opisina ng dating DPWH Undersecretary Cathy Cabral, na may petsang Agosto 30, 2024, na naglalaman ng mga proyekto na kalaunan ay iginawad sa mga kumpanyang konektado kay Gardiola para sa taong 2025.

Hinamon niya sina Cabral at dating DPWH Secretary Manuel Bonoan na ipaliwanag kung bakit ang 2025 projects para sa mga contractor na umano’y konektado kay Gardiola ay naka-grupo na sa isang listahan noong 2024, bago pa ang budget deliberations.

Ayon kay Leviste, ang dokumento ay maaaring magsilbing “missing link” para sa Independent Commission on Infrastructure (ICI) at Office of the Ombudsman upang patunayan umano na may naganap na bid rigging.

Kabilang sa listahan ang pondo para sa mga proyekto sa distrito ni Leviste ang ₱514.25 milyon para sa mga kalsada sa Tuy, Batangas na iginawad sa Readycon Trading and Construction Corporation at ₱280 milyon para sa mga kalsada sa Calatagan, Batangas na iginawad sa S-Ang Construction & General Trading, Inc.

Pagmamay-ari ng pamilya ni Gardiola ang S-Ang, habang ang Readycon ay hindi; subalit ayon kay Leviste, si Gardiola pa rin umano ang nag-propose at nagpatupad ng proyekto batay sa mga opisyal ng DPWH at sa pahayag umano ni Gardiola mismo.

Higit ₱100-B umano ang halaga ng proyekto ng mga kumpanyang konektado kay Gardiola.

Ipinahayag ni Leviste na nagpunta sa kanyang opisina ang mga kinatawan ng ICI upang suriin ang listahan.