Naghain ng criminal complaint ang Philippine Animal Welfare Society o PAWS laban sa pumatay sa asong si Killua dahil sa paglabag umano nito sa Republic Act 9482 o Anti-Rabies Act of 2007 na nagbabawal sa dog meat trade.
Ayon kasi sa PAWS, dinala ni Solares ang aso sa isang slaughterhouse at dog meat cooking area pagkatapos niya itong patayin.
Napag-alaman din na nagmamay-ari si Solares ng carinderia na malapit sa dog slaughter area. Gayunpaman, hindi malinaw kung nagbebenta ito ng ulam na karneng aso.
NGunit sa isang panayam ay itinanggi ni Solares na may balak siyang lutuin ang karne ng aso.
Nagbabala naman ang beterinaryong si Armie Sebello ng National Meat Inspection Service na delikado ang pagkain ng karne ng aso dahil maaari nitong maipasa ang rabies at iba pang sakit sa taong kumain nito.
Ibinunyag din ng organisasyon na nagpositibo sa rabies si Killua at hinimok ang mga nakagat, gayundin ang may-ari na niyakap ang aso matapos itong makitang patay, na kumuha ng post-exposure shots.
Hindi naman malinaw kung taglay na ni Killua ang rabies bago ito pinatay o nahawaan na lamang ito sa slaughter house kung saan may iba pang mga aso ang napatay na.
Kung matatandaan, pinatay ni Solares ang asong si Killua dahil ipinagtanggol niya lang umano ang kaniyang sarili at iba pang tao na nakagat nito.