-- Advertisements --

Para sa mga lider ng Kamara isang magandang senyales ang pagpapahayag ng patuloy na suporta at commitment ng Estados Unidos na tutulungan ang Pilipinas sa pagprotekta sa karapatan nito sa West Philippine Sea.

Ayon kay Assistant Majority Leader Paolo Ortega na hindi lamang maituturing na project at investment fishing ang ginagawa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa tuwing bumibisita ito sa ibang bansa.

Dagdag pa ni Ortega na malaking bagay aniya ang “iron clad” statement ni US Secretary of State Antony Blinken dahil nangangahulugan ito na hindi nag-iisa ang Pilipinas sa paninindigan sa karapatan nito sa WPS.

Kumbinsido rin si Davao Oriental Second District Representative Cheeno Almario na pinatunayan ng pahayag ni Blinken na malaki ang tiwala na nakuha ng Pilipinas mula sa kaalyado nitong bansa.

Kaya naman pinuri nito ang pagsisikap ni Marcos na patuloy na maghanap ng mga koneksyon at kaalyadong bansa.

Samantala, para kay AKO BICOL Party-list Representative Jil Bongalon ay makapangyarihan ang mensahe ni Blinken dahil tinitiyak nito ang pagtataguyod ng kapayapaan at stability sa rehiyon.

Dagdag pa ni Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong, magsisilbing “morale booster” ang pagpapatibay ng pinakamatagal nang kaalyadong bansa sa suporta para sa Pilipinas upang patuloy na ipagtanggol ang territorial integrity sa WPS.