Ikinabahala ni Davao City Representative Paolo Duterte ang umanoy patuloy na pagtaas ng bilang ng mga Pilipinong hinaharas at pinagbabantaan ng mga lending companies na kanilang pinakautangan.
Ito aniya ay sa gitna ng kampanya ng pamahalaan laban dito.
Tinukoy ng Kongresista ang mga lending companies na may mga online applications na mabilis ma-access ng mga Pilipinong nangangailangan ng pera.
Ikinadismaya rin ng mambabatas ang umano’y patuloy na operasyon ng mga ito, sa likod ng napakaraming mga lending companies na kinakansela ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang kanilang certificate of registration.
Ikinadismaya rin ng mambabatas na sa gitna ng harassment at pamamahiya na ginagawa ng mga lending companies, napakalaki rin umano ang sinisingil ng mga ito na tubo mula sa mga nagkautang sa kanila.
Dahil dito, hiniling ng mambabatas ang suporta ng mga kapwa kongresista sa inihain nitong House Bill 6681 o Fair Debt Collection Practices Act, kung saan mahigpit na ipagbabawal ang pagbabanta, pamamahiya, at iba pang kahalintulad na hakbang para lamang makasingil sa mga nakautang.
sa ilalim din ng nasabing panukala, ipagbabawal ang pagpapataw ng mga karagdagang singilin gaya ng incidental fees at dagdag na interes sa mga umutang, maliban lang kung ito ay nakasaad sa kasunduan.