ILOILO CITY – Sinampahan na ng patong-patong na kaso ang isang repatriated Overseas Filipino Worker (OFW) na tumakas mula sa quarantine facility sa Leganes, Iloilo.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Leganes, Iloilo Mayor Vicente Jaen II, sinabi nito na ang 34-anyos na babaeng OFW ay dumating mula sa Hong Kong noong Hunyo 14 kung saan nanatili ito sa hotel sa Lungsod ng Iloilo.
Matapos naman lumabas ang resulta ng RT PCR (Reverse transcription-polymerase chain reaction (RT-PCR) test at nagnegatibo, sinundo ito ng Leganes-local government unit at dinala sa facility quarantine upang tapusin ang natitirang limang araw sa kanyang 14-day quarantine.
Ayon kay Jaen, tumakas ang nasabing OFW at umuwi sa kanilang bahay ngunit agad ding sinundo ito ng mga otoridad at ibinalik sa quarantine facility.
Kasong paglabag sa Article 151 o Disobedience to a Person in Authority, paglabag sa Bayanihan to Heal as One Act, at paglabag sa Republic Act 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Disease and Health Events of Public Health Concern, ang isinampa laban sa OFW.