Nananawagan si House Deputy Speaker at Trade Union Congress of the Philippines PL Rep. Raymond Demokrito Mendoza sa gobyerno na magbigay ng patas na pagtrato sa mga dayuhang manggagawa sa ating bansa.
Ang pahayag ng mambabatas ay kasunod ng isyu laban sa Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.
Una nang inihayag ng Department of Justice (DOJ) ang planong i-deport ang nasa 2,000 POGO workers sa Oktubre, bilang bahagi ng “crackdown” sa mga ilegal na nagta-trabaho sa bansa.
Naniniwala si Mendoza, na dapat ipatupad ang “golden rule” sa pagtrato sa mga POGO worker.
Sinabi ni Mendoza kung ang pamahalaan ay nagde-demand ng “fair and equal treatment” para sa mga Overseas Filipino Workers o OFWs na nasa iba’t ibang bansa, mainam na gawin din ito sa mga foreign workers na nagtatrabaho sa ating bansa na maayos namang nagta-trabaho.
Inihayag ni Mendoza, milyong-milyon ang mga OFW na nasa abroad, at may mga kaso ng pagmamaltrato sa mga ilegal at “undocumented” workers.
Sa panig naman ni Nagkaisa Chairperson Sonny Matula, hindi dapat ituring ang lahat ng foreign POGO workers bilang kriminal, kundi biktima ng matinding pang-aabuso sa trabaho at negosyo, o ng mga sindikato.
Apela niya sa Department of Labor and Employers o DOLE, magkaroon ng aktibong papel sa regulasyon ng POGO workers.
Habang dapat din aniyang magsanib-pwersa ang DOLE, Department of Foreign Affairs, at Department of Migrant Workers para maglatag ng patakaran ukol sa isyu ng POGO.