Bilang pinuno ng Senate Committee on Health at miyembro ng Joint Oversight Committee na nangangasiwa sa implementasyon ng Bayanihan to Heal as One Act, pinuri ni Senator Christopher Lawrence “Bong “Go ang Department of Health (DoH) sa pag-amiyenda ng kanilang Coronavirus disease (COVID-19) testing protocol para isama ang health workers na siyang nasa front lines sa giyera kontra sa sakit.
Sa nakaraan, tanging mga pasyente lamang na may sintomas ng sakit, senior citizens at mga buntis ang pina-prayoridad sa pagsusuri batay sa testing protocol ng DoH na inilabas noong March 16 dahil sa limitadong test kits.
Gayunman, lumakas ang panawagan na isama ang mga health workers sa priority list dahil sa pagdami ng bilang ng healthcare professionals na napapaulat na nakararanas ng sintomas ng COVID-19.
“Kinokomendahan po natin ang DOH sa pagdinig sa ating suhestyon na i-test ang ating mga health workers dahil sila ang pinaka-kailangan natin sa laban na ito. Dapat natin silang alagaan upang maalagaan nila ang mga pasyente. Dahil exposed sila sa mga pasyente halos araw-araw, malaki ang posibilidad na mahawa sila kahit nag-iingat sila. Dapat din nating malaman agad kung negative o positive sila para maiwasan ang unnecessary quarantine. We need as many healthy nurses as we can get right now,” ani Senador.
Sa kasalukuan, nakapagsagawa na ang DoH ng mahigit 15,000 tests para sa COVID-19.
Kamakailan naman ay inaprubahan ng Food and Drug Administration(FDA) ang 18 PCR-based test kits na makakapag-detect sa virus na sanhi ng COVID-19 at limang rapid test kits na susukat naman antibodies mula sa blood samples ng pasyente.
Pinaiksi naman ng FDA ang proseso sa pag-aapruba sa COVID-19 test kit applications na kanilang tinatanggap.
Samantala, umapela naman si Go sa gobyerno at health authorities na apurahin ang pagtatatag ng mas maraming testing centers sa mga ospital sa buong bansa.
Sa kasalukuyan ay may mga tinukoy na ang DoH na mga
medical facilities bilang subnational testing centers, katulad ng San Lazaro Hospital, UP National Institutes of Health, Baguio General Hospital and Medical Center, Vicente Sotto Memorial Medical Center sa Cebu City at Southern Philippines Medical Center sa Davao City.
Marami namang iba pang public at private medical institutions ang kasalukuyang sumasailalim sa capacity enhancement para makapagsagawa din sila ng sarili nilang COVID-19 testing sa mga susunod na panahon.
“Huwag na po nating hintayin na kumalat pa ang virus sa kanilang mga lugar. Let’s be proactive in handling the situation. Kapakanan at kaligtasan po ng mga Pilipino ang nakasalalay dito,” dagdag pa nito.
Hiniling din nito ang mabilis na delivery ng Personal Protective Equipment (PPEs) para masiguro ang kaligtasan ng healthcare professionals na patuloy na gumaganap sa kanilang tungkulin sa gitna ng banta sa kalusugan dulot ng sakit.
Una nang iginiit ni Go sa kanyang mga dating pahayag na hindi lang naman compensation ang issue dito.
“The best way to help the health sector respond to this crisis is by sufficiently providing them with the tools and protection needed to do their job. Bigyan natin ng pansin ang mga reklamo ng ating frontliners – mga health workers, doctors at nurses. Pakinggan at tulungan natin sila dahil sila ang mas nakakaalam kung ano ang dapat gawin para matapos ang health emergency na hinaharap ng ating bansa,” wika ng senador.
Hinimok din ng senador ang gobyerno na paspasan ang conversion ng mga istruktura na gagamitin bilang quarantine o isolation facilities sa buong Pilipinas.
“Kung maaari, bawat LGU sana ay may sariling quarantine areas para sa PUIs at PUMs na kung saan maaalagaan ang mga pasyente at mailalayo sa komunidad para maiwasan ang pagkalat ng virus,” saad ng Senador.
Ang gobyerno nasyunal sa pamagitan ng LGUs ay kasalukuyang nagtatrabaho para sa pagpapatayo ng makeshift hospitals, kino-convert ang mga nakatatag nang istruktura maging ang mga barko para gawing quarantine areas at ginamit din ang pribadong sektor para gawin ang mga hotels, motels at lodging houses bilang isolation rooms para sa quarantine purposes.
Umapela din ang senador ng mas maraming testing centers at quarantine areas sa bansa.