-- Advertisements --

Pinabulaanan ng kontrobersiyal na religious leader na si Pastor Apollo Quiboloy ang mga paratang na hinalay umano niya ang mga babaing personal assistants o “pastorals” ng itinatag niyang Kingdom of Jesus Christ (KOJC).

Sa ibinahaging audio message ni Quiboloy na hindi muna inilantad ang kaniyang sarili sa publiko dahil umano sa panganib sa kaniyang buhay, sinabi niya na gawa-gawa lamang nila ang akusasyon laban sa kaniya dahil tinanggihan niya umano ang mga ito.

Saad pa ni Quiboloy na maraming kababaihan ang nag-aagawan sa kaniya dahil siya ay single at pinayaman siya ng Diyos.

Inakusahan rin niya ang mga rape victim na dumaranas umano ng “Potiphar’s wife syndrome”.

Base sa Bibliya, mababasa sa aklat ng Genesis na inakusahan ng asawa ni Potiphar, na kapitan ng Pharaoh’s guard, si Joseph na ibinenta naman sa kaniya para maging alipin, ng attempted rape matapos na tanggihan ni Joseph ang sexual advances ng asawa ni Potiphar na nagresulta naman sa pagkakakulong ni Joseph.

Ginawa ni Pastor Quiboloy ang pahayag matapos tumestigo ang ilang mga dating pastorals ng KOJC sa Senado kung paano umano sila pwinersang makipagtalik kay Pastor Quiboloy kung saan isa sa mga resource person ay ibinunyag na menor de edad pa lang siya nang pilitin siyang gawin ito.

Matatandaan din, una ng sinabi ng Federal Bureau of Investigation (FBI) na nirerecruit umano ni Quiboloy ang mga kababaihan para magtrabaho bilang kaniyang personal assistants o pastorals at naghahanda ang mga ito ng kaniyang pagkain, pinaglilinis sa kaniyang residence, imasahe siya at minamandatoang mga ito na makipagtalik kay Quibooy na tinawag ng mga pastoral na ‘night duty’.