Ikinokonsidera ng isang pugante si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy sa ilalim ng batas matapos bigong mahanap nang isilbi ang arrest warrant laban sa kaniya ayon kay National Bureau of Investigation (NBI) Southeastern Mindanao chief Archie Albao.
Matatandaan kasi na noong araw ng Lunes nang inilabas ng Davao Regional Trial Court Branch 12 ang arrest warrant laban kay Quiboloy at 5 iba pa dahil sa kasong sexual at child abuse na isinampa noong 2011.
Subalit nang isilbi naman ng mga awtoridad ang arrest warrant noong Miyerkules, Abril 3 kay Quiboloy sa mga posibleng hideout nito kabilang ang KOJC compound sa Davao city, prayer mountain at sa 6 hanggang 7 pang properties ng Pastor sa Island Garden City ng Samal, hindi nakita ang religious leader.
Ayon pa kay Albao, hindi nila nasisiguro kung nasa Davao pa si Quiboloy subalit nakatitiyak umano silang nasa Pilipinas pa rin ito base sa record ng Immigration.
Sa ngayon nakikipag-ugnayan na ang NBI sa kampo ni Pastor Quiboloy para sumuko sa mga awtoridad.
Mahigpit naman aniyang nakamonitor sa kaso ang tracker at arresting teams mula sa NBI, PNP, Criminal Investigation and Detection Group at Intelligence community.
Samantala, matatandaan na una ng sumuko ang 2 pang kapwa akusado ni Quiboloy sa NBI-Southeastern Mindanao kahapon ng umaga.
Ito ay sina Jackielyn Roy at Ingrid Canada na kapwa miyembro ng KOJC na agad namang nagpiyansa sa Davao City Hall of Justice ng tig-P80,000.
Sa kabuuan ayon kay Albao, 5 sa kapwa akusado ni Quiboloy ay pinaaya mula sa kanilang kustodiya matapos na makapagpiyansa.
Kung saan 4 sa kanila ay sumuko sa NBI habang si Tamayong village chief Cresente Canada ay inaresto noong Miyerkules sa kaniyang residence. (With reports from Bombo Everly Rico)