Hinimok ngayon ng pamahalaan ng Pasay City ang publiko na samantalahin ang ipatutupad na passport-on-wheels ng Department of Foreign Affairs (DFA) na sisimulan ngayong araw.
Sa abiso, gagawin daw ng mga kinatawan ng DFA ang passport on wheels sa Cuneta Astrodome sa lungsod ng Pasay.
Ang passport-on-wheels ay magsisimula dakong alas-8:00 ng umaga at magtatapos alas-3:00 ng hapon.
Nagpaalala rin ang DFA sa mga kukuha ng pasaporte na siguraduhing susundin ng mga ito ang kanilang online appointment.
Sunod dito ang personal appearance ng mga aplikante at kailangan daw nilang magdala ng mga naka-photocopy at ang mga orihinal na mga dokumento bago sila magtungo sa Cuneta Astrodome.
Puwede naman daw munag bisitahin ang website ng DFA para sa kanilang aplikasyon.
Kung maalala, umani nang samu’t saring batikos ang naging pagkuha ng pasaporte sa DFA sa Aseana sa Paranaque City dahil na rin sa mahabang pila ng mga kumukuha ng pasaporte at karamihan sa mga ito ay madaling araw pa nakapila.
Ilan din sa mga may appointment ay pinababalik ng ilang beses kaya naman nagdudulot ito ng perwisyo lalo na sa mga nanggaling pa sa mga malalayong lugar.