-- Advertisements --

Nilinaw ng Department of Justice (DOJ) na hindi obligasyon ng mga opisyal mula sa immigration ng Hong Kong ang magpaliwanag kung bakit nito pinagbawalan si dating DFA Sec. Albert del Rosario na pumasok ng teritoryo.

Sa isang panayam sinabi ni DOJ Usec. Markk Perete, prerogatibo ng isang host country na magdesisyon kung papapasukin nito ang isang foreign alien o dayuhan sa kanilang bansa.

Ganito rin daw ang protocol na sinu-sunod ng Bureau of Immigrations dito sa Pilipinas; at ang statement na “immigration concern” ay sapat na bilang tugon sa alin mang kaso ng pagharang o ban sa isang dayuhan.

Una ng umalma si Del Rosario sa insidente at nagpahayag ng interes na pagpaliwanagin ang Hong Kong immigration.

Matapos kasi ang higit anim na oras na pagkaka-hold at questioning sa Hong Kong International Airport ay hindi ito nakatanggap ng paliwanag sa mga otoridad.

Pero iginiit ni Perete na kahit ano pa ang rason ng Hong Kong ay hindi nito obligasyon na ipaliwanag ang hindi pagpapahintulot sa entry ng dating DFA secretary.